Matagal tagal na rin nang huli akong naglathala.. siguro dahil narin sa matinding atake ng katamaran.. matagal tagal ko na ring dinaranas ang sakit na iyon.
Ngunit kahit gayoo'y ni hindi ko naramdaman ang epekto nito sa mga bagay bagay... sa aking buhay.
Bago pa man ang tatlong buwang pagpapaliban ko sa pagsulat, madalas akong pinipilit ng nanay ko (itago na lang natin sya sa pangalang "Inay") na umuwi sa amin sa Laguna.
Bagama't may oras at panahon, pinili ko pa rin huwag na lamang bumaba sa amin.
Mainit sa amin, kakalabas mo palang ng paliguan ay nanlilimahid ka na sa pawis, tila doon lamang nagkaroon ng literal na ibig sabihin ang "Comfort Room", dahil doon lang comfortable. Wala ring galaan sa amin, kailangan mo pang sumakay ng tricycle o jeep para lamang makarating sa mga lugar na medyo nakakalibang, eh isipin mo nalang "medyo" pa yun. Wala rin akong mga kabarkada sa amin, kung meron man eh malamang di na nila ako kilala sa tagal na rin na di kami nagkita, biruin mo mula grade 1 ng huli kaming nag pangita-ngita. Oh eh ano pang rason para bumaba eh sobrang inconvenient kaya sa layo, tapos pagod ka pa, ay sus kaya kong sumulat ng napakaraming dahilan para di umuwi.
Dumaan ang mga araw, tila napagod narin si inay sa kasasabi sa akin. Anim na taon akong hindi umuwi, ni hindi man lang sumulyap sa aking lupaing pinagmulan. Tila hinahabol ng araw ang buwan sa bilis ng paglipas ng maghapon.
Dumating ako sa punto na ninais ko nang umuwi kahit batid ko ang hirap at pagod. Saglit na nagmukmok sa isang sulok at doon ko napagtanto na tila mas maraming dahilan upang ako'y magbalik sa Laguna. Bagama't handa na at buo ang loob, di ko maiwan ang mga nakaambang mga proyekto sa paaralan, mga pagsusulit na naghihintay na sagupain. Ako'y nalungkot at
nanghinayang, sa mga oras na sinayang ko na sana'y ginamit ko para makauwi.
Muli, nagdaan ang mga araw. Dulot ng pagod at puyat, nalimot muli ang diwa ng pagpunta sa Laguna. Masaya ang araw-araw, sinalubong ko ang bawat umaga na may ngiti sa labi. Ngunit..
nang isang hapong dumaan ako sa pwesto namin sa Palengke.. Naratnan ko si Inay, nanghihina at lumuluha.. tumurok ang sakit nang sinulyapan ni Inay ang aking mga mata.. Tila nangusap ang kanyang mga luha, at kahit di niya sabihin ay batid ko na ang nangyari..
Saglit na napahinto at ginunita ang lahat.. di ko man ninais ay nanariwa ang alaala ng nakaraan. Lahat ng masayang pangyayari, lahat ng hirap na dinanas namin ng magkasama,
lahat ng saya na dinulot nya, lahat ng sakripisyo na ginawa niya.. ngayon, lahat ay alaala na lamang. Sumabog ang aking dibdib at rumagasa ang luha sa aking mga mata...
"wala na si lola"..
Matagal na rin siyang hirap sa kalagayan niya, kaya batid ko na balang araw mawawala sya. Ngunit hindi yaon ang punyal na nagpasabog ng aking mga luha, hindi ang dagliang pagkawala niya ang kumurot sa tila inaamag kong damdamin.. ngunit ang kaisipan na:
"hindi ako nakauwi sa amin.. dahil na rin malala ang sakit ko..."
-katamaran, kailan kaya ako gagaling?

0 comments:
Post a Comment